Spiritual Assembly (#4497)

*Kailanma’t pumasaok ka sa silid sanggunian, usalin ang dalanging ito nang ang puso ay tumitibok ng pag-ibig sa Diyos at ang dila ay walang taglay ng anuman liban sa paggunita sa Kaniya, at nang ang Makapangyarihan sa Lahat ay buong kabaitang tumulong sa iyo na nakapagtamo ng sukdulang tagumpay.

O Diyos! Aking Diyos! Kami ay mga tagapaglingkod Mo na nagsibaling nang buong kataimtiman sa Iyong banal na Mukha, na nagsipagwalay ng sarili sa lahat liban sa Iyo sa maluwalhating araw na ito. Kami’y nagtipon sa Spiritual Assembly na ito, nagkakaisa sa aming mga pananaw at isipan, na ang aming mga layunin ay nagkakaisa sa pagluluwalhati sa Iyong Salita sa sangkatauhan. O Panginoon, aming Diyos! Gawin kaming mga tanda ng Iyong banal na pamamatnubay, O Ikaw na aming Kataas-taasang Panginoon, mga kapahayagan ng Iyong Banal na Pagkakaisa sa Kahariang ‘Abhá, at ang maningning na mga bituin na nagliliwanag sa lahat ng mga pook. Panginoon! Tulungan kaming maging mga dagat na nagtutumaan sa malalaking alon ng Iyong kahanga-hangang Biyaya, mga batis na dumadaloy buhat sa Iyong kaluwalhatiang Kataasan, mabubuting bunga sa punong kahoy ng Iyong makalangit na Kapakanan, mga punong kahoy na nagsisiugoy sa mga hangin ng Iyong Pagpapala sa Iyong Ubasang makalangit. O Diyos! Pananganin ang aming mga kaluluwa sa mga Taludtod ng Iyong Banal na Kaisahan, ang aming mga puso ay pasiglahin sa mga tagay ng Iyong Biyaya, upang kami’y mabigkis na tulad ng mga alon ng isang dagat at mapagsama-sama na tulad ng mga sinag ng Iyong maluningning na Liwanag; upang ang aming mga isipan, ang aming mga pananaw, ang aming mga damdamin ay maging iisang realidad, na nagpapahayag ng espiritu ng pagkaisa sa buong daigdig. Ikaw ang Mapagbigay-biyaya, ang Masagana, ang Mapagpala, ang Tagapagkaloob, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Maawain, ang Mahabagin.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Spiritual Assembly (#4498)

*Magtipon kayo sa dalisay na kagalakan, at sa simula ng pagpupulong, bigkasin ninyo ang panalanging ito:

O Ikaw na Panginoon ng Kaharian! Bagama’t ang aming mga katawan ay natitipon dito, gayumpaman ang aming mga nabighaning puso at natatangay ng Iyong pagmamahal, at gayumpaman kami ay nadadala ng mga silahis ng Iyong maluningning na mukha. Wala man kaming lakas, kami ay naghihintay ng pagpapahayag ng Iyong kapangyarihan at lakas. Mahirap man kami, na walang yaman ni pagkukunan, kumukuha pa rin kami ng yaman sa mga kayamanan ng Iyong Kaharian. Mga patak man kami, sumasalok pa rin kami sa kailaliman ng Iyong mga karagatan. Alikabok man kami, kumikislap pa rin kami sa luwalhati ng Iyong maningning ng Araw.
O Ikaw na aming Nagkakaloob! Ibaba ang Iyong tulong, na bawat isa sa natitipon dito ay maging maysinding kandila, bawat isa ay sentro ng pag-akit, bawat isa ay tagatawag tungo sa Iyong Makalangit na mga kaharian, hanggang sa wakas ay gawin namin itong daigdig sa ibaba ay isalamin ang larawan ng Iyong Paraiso.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Spiritual Assembly (#4499)

*Dalangin na uusalin sa pagtatapos ng pagpupulong ng Spiritual Assembly.

O Diyos! O Diyos! Nakatunghay Ka sa amin buhat sa Iyong di-nakikitang Kaharian ng pagkaisa, namamalas na kami’y naiipon sa spiritual assembly na ito, nananampalataya sa Iyo, nagtitiwala sa Iyong mga tanda, matatag sa Iyong Banal na Kasunduan at Habilin at naakit sa Iyo, nagniningas sa apoy ng Iyong pag-ibig, at matapat sa Iyong Kapakanan, mga tagapaglingkod sa Iyong ubasan, tagapagpalaganap ng Iyong relihiyon, taimtim na mga sumasamba sa Iyong mukha, mapagkumbaba sa Iyong mga minamahal, nagpapahinuhod sa Iyong pintuan at sumasamong pagtibayin Mo kami sa paglilingkod sa Iyong mga pinili. Tangkilikin kami sa pamamagitan ng Iyong di-nakikitang mga hukbo, palakasin ang aming mga balakang sa paglilingkod sa Iyo at gawin kaming mga masunurin at nagmamahal na mga lingkod, nakikipagniig sa Iyo.

O aming Panginoon! Kami ay mahina at Ikaw ang Makapangyarihan, ang Malakas. Kami ay walang buhay at Ikaw ang dakilang Espiritung nagbibigay buhay! Kami ay nangangailangan at Ikaw ang Tagapagtaguyod at Malakas!

O aming Panginoon! Ibaling ang aming mga mukha sa Iyong banal na mukha, pakainin kami sa Iyong makalangit na hapag sa pamamagitan ng Iyong maka-Diyos na biyaya; tulungan kami sa pamamagitan ng mga hukbong Iyong kataas-taasang mga anghel at pagtibayin kami sa pamamagitan ng mga banal sa Kaharian ng ‘Abhá.

Tunay na Ikaw ang Magandang-loob, ang Mahabagin! Ikaw ang Nagmamay-ari ng malaking pagpapala at tunay na Ikaw ang Mapagbigay at Mapagkaloob-biyaya!

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

